Love Me, My Prince - Chapter 443
Lumipas ang isa pang buwan. Sa White Castle.
Sa loob ng ilang araw, bibihira na magkita si Cally at Prin sa bahay nila. Busy kasi si Cally sa trabaho niya sa opisina dahil sa ilang buwan na pagsama niya kay Prin sa Korea.
Halos hindi na nagkikita ang mag-asawa dahil abala rin si Prin sa hotel. Apolo started to transfer his shares to Prin. Maaga siyang nakakatulog dahil sa pagod at wala pa si Cally sa bahay tuwing uuwi siya.
Si Apolo na kasi mismo ang nagt-train sa kanya at hindi tulad noon na sarili niya lang istratehiya sa pagpapatakbo ng business nito.
‘Pag bumabangon naman siya ay nakaalis na rin ng bahay si Cally.
Nakakatanggap na lang siya ng mensahe mula dito. O kaya naman ay nagtatawagan silang dalawa pero saglit lang dahil madalas na nasa meeting ito.
May dalawang linggo na rin ito na ganon kaya naman namimiss na rin talaga niya ang asawa niya.
Naaalimpungatan din naman siya sa gabi at nararamdaman na nakayakap ito sa bewang niya. Iyon nga lang ay halos nawalan sila ng kumunikasyon dahil sa sobrang pagkaabala nila sa kanya-kanya nilang trabaho.
Umaga. Panay halo lang siya sa kape na nasa harap. Tulala siya habang ginagawa iyon. Inangat ni Khalid ang mukha nito at hinarap si Prin dahil naririndi na ito sa tunog ng kutsara na tumatama sa tasa.
Mukhang nakahalata rin ito na wala siya sa mood.
“Mommy, are you okay?”
Tumigil sa paghalo ng kape si Prin.
“Baby, do you want to go to the MGM office?” tanong niya kay Khalid.
Saglit itong nag-isip. “ayaw.”
“Why?”
“I will not earn anything in Daddy’s office.” suplado na sagot nito. Madalas kasi na pagalitan ito ng Daddy nito kapag nawawala sa paningin nila.
Prin “…”
“Gusto mo pang kumita? Hindi ka pa ba mayaman sa dami ng mga kinita mo nitong mga nakaraan?”
“Mommy, that’s what you call ‘being ready about your future’.” Katwiran nito.
Nagkibit-balikat siya saka hinigop ang kape. Ang mahalaga ay nag-eenjoy ito sa ginagawa nito araw-araw. Isa pa, wala namang natatapakan na ibang tao ang anak niya. Bukod kay Felix nang dukutin siya nito.
“Okay. You stay here. Magpractice ka na lang ng Piano para makahabol ka sa susunod na competition o kaya naman alagaan mo si Billionaire.”
Pansin ni Prin na bahagyang nabawasan ang pagka-clingy ng anak niya simula nang dumating ang askal sa bahay.
Matapos mag-almusal, tinungo rin naman agad ni Prin ang closet at naghanda ng kasuotan. Nagpadala na lang siya ng mensahe kay Mildred na magpapahinga siya sa araw na iyon at tawagan siya kung sakali na may kailangan ito sa kanya.
Isang dress na abot tuhod ang napili niya. Natatawa na lang siya kapag naaalala niya na noong kabataan niya ay halos ayaw niya ng dress.
Kahit ang Yukata na pinasusuot sa kanya ni Ginang Matsui, ang Lola niya, ay ayaw niyang suutin.
But now she always wanted to look pretty for her husband Cally.
Binabad niya ang sarili sa rose bubble bath para kumapit ang amoy nito sa katawan niya at matanggal ang mga dead skin niya sa katawan. Kung tutuusin ay hindi na rin kasi siya bata. Kailangan niyang maglagay sa katawan ng napakaraming moisturizers.
Matapos ang isang oras, nagbanlaw siya ng katawan saka hinanda ang sarili. Plano niyang sorpresahin si Cally at ayain na mananghalian kaya hindi siya nag-abiso na tutungo siya ng MGM kahit kay Xander.
She put a simple make up on her face. Dalawang wisik ng perfume at inayos ang buhok niya sa half bun bago lumabas ng kwarto para pumunta sa opisina ng MGM. Nagpaalam siya kay Khalid na kasalukuyan ay nagpapakain ng aso nito.
Maya-maya pa ay nasa opisina ng MGM na si Prin. Bahagya pa siyang natraffic sa kalsada kaya medyo na-late na siya ng dating sa opisina nito.
May ilang buwan na rin nang huli siyang dumalaw doon kaya bahagya siyang nanibago.
Tinungo niya ang elevator at diretso siya sa floor kung saan naroon ang opisina ni Cally.
Wala ang mga sekretarya ng asawa niya sa labas ng opisina nito kaya naisip niya na baka nasa meeting pa rin si Cally. May naririnig kasi siyang nagsasalita sa isang kwarto.
Isang salamin ang haligi niyon na may blurred shade ang gitnang parte kaya hindi rin siya nakikita mula sa loob. Sinilip niya ang oras sa relo at nakita na mag-a-alas dose na ng tanghali.
Hindi niya alam kung gaano pa katagal ang meeting ni Cally.
Tinungo na muna niya ang opisina ng asawa niya gamit ang badge ng ID niya at agad na bumukas iyon. Mahigpit kasi ang security sa opisina at piling tao lang ang nakakapasok sa mismong opisina ng asawa niya. Nagpasalamat na nga lang siya at hindi siya restricted doon.
May nakita siyang isang maliit na kahon sa ibabaw ng mesa nito. Nakakunot ang noo na kinuha niya iyon bubuksan na sana niya ang bagay na iyon ngunit narinig niya na lumabas na ang mga tao sa conference na nasa kabilang kwarto.
Ibinaba muli niya ang kahon sa mesa at hinintay si Cally na pumasok sa kwarto para sorpresahin ito.