Rainy Days of Summer - Chapter 3:Thieves of Happiness
“Sino ‘yan?” pukaw ni Winter sa atens’yon ni Summer. May hawak itong larawan ng isang batang babae.
“Her name’s Storm. My bestfriend,” sagot ng dalaga bago palisin ng sariling palad ang mga luhang naglandas sa kaniyang pisngi.
“Bakit ka umiiyak?” magkahalong pagtataka at pag-aalalang tanong ng binatang si Winter habang inaalo si Summer.
“Kasalanan ko, Win. Kasalanan ko ang lahat!” punong-puno ng paghihinagpis na wika ng dalaga na unti-unti nang nilalamon ng matinding emosyon.
Patuloy namang pinakakalma ni Winter ang kaibigan, “hush now, Sum. Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero please tahan na. Kumalma ka na, please, Summer.”
“Mag-e-air na ang Four Seasons in five!” anunsyo ni Jackie, isa sa mga empleyado sa estas’yon ng radyo na kanilang pinagtatrabahuhan.
“Anong nangyari?” alalang tanong ni Paul (Fall). “Yong mga mata mo, Summer. Bakit ka umiyak? Anong problema? Kaya mo bang magtrabaho ngayon?”
Hindi maipagkakailang ang binatang si Paul ang pinakamaalalahanin sa kanilang apat na season. Sunod-sunod ang kaniyang tanong habang iniinspekyon ang dalaga.
Sa kabilang banda naman ay mababakasan rin ng pag-aalala ang mga mata ni Tom o mas kilala bilang DJ Oh-Tom (Autumn) na panay ang sulyap sa kaibigang si Summer.
“Ano ba kayo, wala ‘to! Kayo talaga! Tara na, malapit na tayong mag-air.”
Isa-isa silang umupo sa kani-kanilang pwesto at hinintay ang hudyat ni Jackie bago magsimula.
Patapos na ang kanilang programa ngunit pawala-wala pa rin ang atens’yon ni Summer sa trabaho kaya’t si Oh-Tom na ang siyang nag-anunsyo ng kanilang nalalapit na event.
“Ok. So, sa lahat ng listeners ng Four Seasons, sa lahat ng 4csoners na gustong makasama at maka-date ng buong isang araw ang ating Sweetheart na si DJ Summer, heto na ang mechanics ng this year’s Summer Date!” sambit nito at inisa-isa na ng binata ang mga alituntuning dapat sundin ng mga nais lumahok.
“And now, dumating na ang pinakaaabangan ng mga Summerians! Malalaman na natin kung sino ang mas’werteng 4csoner!” muling anunsyo ni Oh-Tom makalipas ang pitong araw matapos unang ianunsyo ang Summer Date ngayong taon. Karaniwang isang linggo ang binibilang bago malaman kung sino ang maswerteng makakasama ng Four Seasons’ Sweetheart.
“Ok ka na ba talaga, Sum? Pwede naman nating i-move ang Summer Date kung di mo pa kaya,” nag-aalalang bulong ni Winter sa dalaga.
Matamis na ngiti at marahang tango naman ang isinukli ni Summer sa nag-aalalang kaibigan.
“Anong pakiramdam mo, Summer, na makikilala na natin ang this year’s luckiest Summerian?” usisa ni Paul kay Summer.
“Excited akong makilala ang winner natin this summer, syempre! Every year, mababait at masasarap kasama ang mga nagiging winners natin kaya I’m also looking forward to this one.” Totoong unti-unti na muling umaayos ang pakiramdam ni Summer at naniniwala siyang kaya na niyang ipagpatuloy ang Summer Date.
“Oo naman! Talagang mababait lahat ang 4csoners!” wika ni Winter bago binalingan ang nasa kabilang linya. “Hello, lucky winner! What’s your name?”
“Hello, Four Seasons. I’m Rain.”
‘Rain,’ ulit ni Summer sa kan’yang isip sa pangalang kaniyang narinig.
“Wow! Nice name! Bagay ka sa Four Seasons. DJ Rain, oha! Bagay! Gusto mo palitan si DJ Winter? Masyado siyang cold para sa Four Seasons. Hahaha!” biro ni Oh-Tom.
“Salamat sa paanyaya, Oh-Tom, pag-iisipan ko muna. Hahaha! Biro lang.”
“Pinagtulungan n’yo pa talaga ako, ha!”
“Hindi naman kaya kayo mag-clash ni Summer, Rain? Tag-ulan at tag-araw. Hahaha!” saad pa ni Paul.
“Hahaha! Tama na ‘yan, kayo talaga. Hindi naman siguro kami magka-clash ni Rain. Di ba, Rain? Ilang taon ka na ba?” Muling nakisali sa usapan ang dalaga nang makabawi siya sa kaba at pagkabigla na panandaliang bumalot sa kaniya nang marinig ang pangalan ng lucky winner.
“Oo naman! I’m 25.”
“O, magka-age pa kayo. Baka kayo pa magkatuluyan nyan a? Hahaha!”
“Wag ka namang gan’yan, Oh-Tom, nalulukot ang mukha ng Winter natin dito, o! Hahaha! Pinagseselos mo, e.”
“Hahaha! Ewan ko sa inyo, Oh-Tom at Paul, puro kayo kalokohan,” tatawa-tawang tugon ni Summer sa kalokohan ng dalawang kasamahan.
“Summer, ok ka lang ba? Iwan ka na namin dito,” may pag-aalalang wika ni Paul.
Naririto ngayon ang Four Seasons sa isang private place na paggaganapan ng Summer Date.
“Ano ka ba, Paul. Anong akala mo kay Sum, bata?” ani Winter na siyang pinakaprangka sa grupo.
“Hahaha! Kayo talaga. Para namang ngayon ko palang gagawin ‘to, e every summer naman may ganitong event tayo.”
Taon-taon ay sine-celebrate sa lokal na estasyon ng radyo na pinagtatrabahuhan ni Summer ang apat na seasons sa pamamagitan ng pagpapalaro sa kanilang mga listeners. At ang winner ay may pagkakataong makasama ng isang araw ang DJ ng nasabing season. Madalas na nila itong gawin ngunit may kakaibang gumugulo sa bawat-isa sa kanila ngayon. Kaya naman napagpasyahan nilang ihatid si Summer at hindi ito maiwanan, “Ewan ko ba? Di ako mapakali, e. Para bang may mali?” Wala mang nagbabanggit ngunit inaalala ng tatlong kalalakihang ito ang nangyari kay Summer noong mga nakaraang linggo. Wala ito sa sarili at laging nakatulala o umiiyak.
“Ok lang ako, Paul. Sige na, magsiuwi na kayo. Ok lang ako dito. Kaya ko na ‘to,” pangungumbinsi ni Summer sa mga kaibigan at kinindatan ang mga ito. Di kalaunan ay napapayag rin niya ang tatlo na iwan na siyang mag-isa sa lugar na iyon.
Narito siya ngayon sa isang treehouse na may open space. Ito ang venue ng Summer Date ngayong taon at matatagpuan ito sa itaas ng mabatong bangin.
Maganda ang tanawin sa labas at colorful ang theme sa loob ng lugar. Picnic style. Maraming magaganda at matitingkad ang kulay na kagamitan bilang palamuti. May mga nagkalat na iba’t ibang size na unan na may magagarang disenyo. Walang la mesa at mga silya, pawang makukulay na tela, pillows, at flowering and leafy plants ang makikita sa loob ng treehouse.
“Ikaw ba ang nagpapunta sa kan’ya, Stormy?” sambit ni Summer habang marahang hinahaplos ang unan na nasa kaniyang tabi.
“Hahaha! Ang weak mo, Stormy!” masayang sambit ng batang si Sunny habang mas dinidiian ang unan sa ulo ng kalaro.
“Ang saya natin no’ng araw na ‘yon, ‘no?”
“Pag ako nakaalis dito, yari ka sa ‘kin, Sunny! Ikaw naman ang ikukulong ko! Hahahaha!” banta ng batang Storm na pilit inaalis ang unan na nakatakip sa kan’ya.
“Kung kaya mo!” panghahamon ng batang Summer sa matalik na kaibigan.
Masaya sila. Masaya ang mga batang sina Sunny at Stormy. Masaya ang mga inosenteng anghel na naglalaro lamang noong mga panahong iyon.
“Pero bakit biglang naging gano’n?” nagsisimula na namang pumatak ang luha ni Summer dala ng kan’yang mga alaala.
“Stormy! Sunny! Tigilan n’yo na ‘yan! Iba nalang laruin natin. ‘Yong kasali naman ako. Ang daya n’yo, e,” saway ng isang batang lalaki sa kanila ni Stormy.
“Wag mo s’yang pansinin, Sunny. Nagpapapansin lang sa ‘yo ‘yan, e,” pang-aalaska ni Stormy sa batang lalaki. Nakuha pa nitong asarin ang kalaro kahit nahihirapang ibuka ang bibig gawa ng nakaharang na unan sa kan’yang mukha.
“Ano bang nangyari, Stormy?” mahinang tanong ni Summer bago napahagulgol ng iyak habang mahigpit ang kapit sa unan na kanina ay kaniyang hinihimas.
“Ako ba talaga ang may kasalanan? Miss na kita, Stormy.” Labing-walong taon na ang nakalipas ngunit nagluluksa pa rin si Summer sa nangyari kay Storm. Hindi niya pa rin iyon matanggap.
“Sunny?!” gulat na sambit ni Rain nang makita niya ang mukha ng kaniyang idolong local DJ na si Summer. Kilala niya ito. Kilalang-kilala.
Nagulat at napakunot-noo naman si Summer sa itinawag sa kan’ya ng binata. ‘Sunny?’ Nginitian na lamang niya ito.
Natigilan si Rain sa ngiting iyon. “Ang ganda pa rin talaga ng ngiti mo,” sambit nito at nginitian pabalik si Summer. Ngunit iba ang dating mga nga salitang iyon sa dalaga.
“I’m sorry?” maang-maangang tanong ng dalaga. ‘At talagang nakakangiti ka pa ng gan’yan sa harapan ko ha?’ mga salitang namutawi isipan ni Summer.
‘Hindi ba iyon ang gusto mong sabihin? Bakit mo itinatago ang galit mo?’ palihim niyang sambit habang tinititigan at pinakikiramdaman ang kaharap.
Nginitian na lamang muli ni Rain si Summer. Sa tingin niya ay hindi siya nakilala ng dalaga.
“Storm? Storm! Anong ginawa mo, Sunny?!” sigaw ng batang Rain nang masilayan ang walang buhay na kakambal.
Kitang-kita niya kung paano nalagutan ng hininga si Storm habang tinatakpan ng batang Summer ng unan ang mukha nito. Hindi ginusto ni Sunny ang nangyari. Hindi niya iyon sinasadya, naglalaro lamang sila.
“Hindi ko alam, Rainy. Naglalaro lang kami! Hindi ko alam! Bigla nalang– akala ko– hindi ko sinasadya… Hindi ko alam na magkakagano’n!” umiiyak at pautal-utal na saad ng batang Summer. Halos wala siyang matapos na pangungusap. Shocked din sya sa nangyari.
“Storm Andrea Caridad,” habang kumakain ay pagkuwang sambit ni Rain sa buong pangalan ng kakambal na siyang ikinagulat ni Summer.
“Rainy,” nauutal na wika ni Summer.
Napangiti si Rain, “Ako nga, Sunny. Rain Andrei Caridad. Si Rainy, ang kakambal ni Stormy,” dahan-dahang bigkas ni Rain na unti-unting ipinaaalala sa dalaga ang lahat ng masasayang pinagsamahan nila sa bawat salitang kaniyang pinakakawalan. Subalit pakiramdam ni Summer ay isa-isang itinatarak sa kan’ya ni Rain ang mga katagang iyon at dahan-dahan siyang pinapatay.
“Ang kakambal ng bestfriend mo,” masayang sambit ng binata.
Ngunit hindi ganoon ang narinig ng kaniyang kausap. ‘Ang kakambal ng pinatay mo!’ ang siyang umalingawngaw sa utak ni Summer. Masyadong okupado ang isip nito at hindi niya marinig ang tunay na sinasabi ni Rain.
“No! Hindi totoo ‘yan! Wala akong pinatay!” pagwawala ng dalaga na ikinagulat ni Rain. Hindi niya akalain na ganoon ang magiging reaksyon ng kababata. At hindi rin akalain ni Summer na magiging gano’n s’ya. Akala niya ay ok na siya. Akala niya ay kaya na niyang harapin si Rain. Na kaya na niyang balikan lahat ng nangyari eighteen years ago.
“Anong sinasabi mo, Sunny?” nag-aalalang tanong ni Rain sa kababatang si Summer.
“Hindi!” iyak ni Summer. Isa-isang bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng mga pangyayaring pilit niyang kinalimutan. Lahat ng mga pangyayaring nagpahirap at kumuha sa kan’yang pagkabata. “Hindi! Hindi ko pinatay si Stormy! Hindi ko s’ya pinatay! Hindi ako ang pumatay sa bestfriend ko! Hindi…”
“Tama na, Sunny, please. Parang awa mo na.” Hindi maatim ni Rain ang nangyayari sa kababata. Batid niyang ang nangyari eighteen years ago ang gumugulo at patuloy na nagpapakasakit ngayon sa dalaga. Ngunit hindi niya alam kung paano ito pakakalmahin. Kung paano ito tutulungan.
“Hindi! Rainy, wala akong kasalanan! Hindi ako ang pumatay…” patuloy na iyak ni Summer.
“Walang may kasalanan, Sunny. Aksidente lang ang lahat. Please, calm down. Come on, Sunny. Please…” Nasasaktan si Rain sa kan’yang nasasaksihan. Kung kaya niya lamang ay inako na niyang lahat ang mga paghigirap at paghihinagpis na dinadala ng kababata.
Paulit-ulit ang pagsigaw ni Summer at pagwawala. Maging si Rain ay natigilan at hindi maapuhap kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi niya ito inaasahan. Hindi niya inaasahang ang kaniyang idolong si Summer ay ang kababata niyang si Sunny. Hindi niya inaasahan na ganito ang mangyayari kay Sunny nang sandaling makilala s’ya nito at maalala ang mga nangyari labing-walong taon na ang nakalilipas.
Nagpatuloy sa pagwawala si Sunny na siya namang sinusubukang pigilan ni Rain. Ngunit sa tuwing tinatangka niya itong lapitan ay mas tumitindi ang pagsigaw at pagwawala nito. Sinasampal ng dalaga ang sarili. Sinasabunutan at pinagtatapon ang mga unan at iba pang gamit na maapuhap ng dalawang kamay nito. May pagkakataon pang sinasakal ng binibini ang kan’yang sarili hanggang sa sunod-sunod itong mapaubo.
“Sunny,” alanganing tawag ni Rain sa kababata. Naaawa siya rito. Kung alam lamang niya na magiging ganito, sana ay hindi na lang s’ya nagpakilala.
Nahagip ng mga mata ni Sunny ang bread knife na kasama ng iba pang kubyertos. Mabilis na kinuha iyon ng dalaga at akmang isasaksak sa sarili nang makita iyon ni Rain. “Sunny, ‘wag!” sinubukan siyang pigilan ng binata subalit sa kaaatras ni Sunny ay nahulog siya sa mabatong bangin sa ibaba ng treehouse na kinaroroonan nila.
Simula nang mangyari ang insidenteng iyon labing-walong taon na ang nakalilipas ay hindi na muling sumapit ang tag-araw sa mundo ni Summer. Patuloy siyang inuusig ng konsensya sa nangyari sa matalik na kaibigan. Patuloy niyang nararanasan ang lamig at kalungkutan ng tag-ulan sa kan’yang buhay. Sinisisi niya ang sarili sa nangyari kay Storm. Kung sinunod niya noon si Rain sana ay buhay pa ang kaniyang bestfriend.
Mapait na napangiti si Summer nang maalala ang masayang mukha ng matalik na kaibigan. ‘Stormy,’ mapait ang mahinang tinig na turan niya bago tuluyang umagos ang luha sa kan’yang mga mata. ‘Hi, Stormy! I’m so sorry and I miss you! Magkakasama na ulit tayo…’